ZAMBALES– Naghain na ng petisyon ang mga lider-katutubo ng Sta. Juliana, Capas, Tarlac at Botolan, Zambales sa Department of Tourism upang ipahinto ang mga aktibidad pang-turismo sa Mt. Pinatubo Crater hanggat hindi pa umano nareresolba ang mga isyu na may kaugnayan sa kompensasyon at karapatan sa lupang ninuno ng mga katutubo sa nasabing lugar.
Ang petition letter na may petsang Abril 24, 2025 at titulong “Urgent Petition to Suspend Tourism Activities Around Mt. Pinatubo Crater and Call for DOT-led Medaition,” ay ipinadala para kay DOT Secretary Esperanza Christina Garcia Frasco.
Ito ay nilagdaan ng apat na lider katutubo na sina Tribal Chieftain Suicide Balintay, Chairman, Pagmimiha, ng Sta. Juliana, Capas, Tarlac; Tribal Chieftain Barnel Candule, Alunan, Capas Tarlac; Paylot Cabalic, Chairman, IPO-CADT, Botolan, Zambales at Chito Balintay, Chairman IPS CADT, Botolan Zambales.
Magugunita na noong nakalipas na Biyernes Santo ay nagbarikada ang mga katutubo sa Sitio Tarukgan, Barangay Sta. Juliana, Capas, Tarlac upang igiit ang anila’y tamang kompensasyon bilang mga tour guide gayundin ang karapatan para sa kanilang lupaing ninuno.
Nakasaad sa petisyon na sa kabila umano na ang Mt. Pinatubo na nasa loob ng kanilang ancestral domain sa ilalim ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA), ang mga komunidad ng Aeta ng Sta, Juliana, Capas, Tarlac at Botolan, Zambales, ay nawalan ng kabahagi sa daang milyon pisong kinita sa turismo sa mahigit isang dekadang nakalipas.
Panawagan ng mga katutubo na pansamantalang ipatigil ng tourism operations sa paligid ng Mt. Pinatubo Crater, partikular na yung mga pinamamahalaan ng mga local government units at private operators sa Capas at Botolan hanggat hindi pa nabibigyang kalutasan ang naturang usapin.
Hiling din nila ang anila’y neutral mediation process upang masiguro ang tamang kompensasyon ng mga Aetas at kilalanin ang mga ito bilang tunay na nagmamay-ari at taga-pangalaga ng lupain.
Sa kabila ng aksyon na ito ng mga katutubo, nilinaw naman nila na hindi sila laban sa turismo at naniniwala sila sa isang makatarungan, inclusive at sustainable na turismo.
“Ngunit hindi namin matatanggap na patuloy ang operasyon habang kami, tunay na may-ari ng lupa, ay hindi kinikilala at hindi nabibigyan ng nararapat na bahagi,” saad ni Balintay.
Nakasaad din sa kanilang petisyon na mahalaga ang gagampanang papel ng Kalihim ng Turismo, kung saan umaasa sila na maibabalik ng pamunuan nito ang pagiging patas at magtatakda din ng pamantayan para sa ethical tourism governance sa bansa. (Ulat ng Ang Pahayagan reportorial team)
📸 Ang Pahayagan file


Leave a comment