Ang Pahayagan

Mga katutubong Aeta, inalmahan ang hindi tamang kompensasyon bilang tour guide at paggamit sa kanilang lupaing ninuno

ZAMBALES– Nagtipon-tipon ang mga katutubong Aeta na kaanib ng IP’s of Tarlac at Indigenous Political Structure of Botolan upang anila ihayag ang pagkondena sa hindi patas na kompensasyon bilang mga tour guide sa mga turistang dumarayo sa Pinatubo Crater Lake, na isang tourist destination sa lalawigan ng Tarlac at Zambales.

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng tumatakbong Gobernador ng Zambales at isa ring Aeta leader na si Chito Balintay.

Pangunahin problemang idinulog ng mga katutubo ang anila’y hindi pagsunod sa nilalaman ng nilagdaang Memorandum of Agreement sa pagitan ng mga katutubo at ng  Mt. Pinatubo Crater Tourism.

Partikular umano sa hindi natupad na nakatadhana sa kasunduan ang P400.00 per head na kabayaran bilang tour guide ng mga turistang dumadayo sa nasabing lugar.

Ilang taon na rin umanong hindi sila nababayaran ang paggamit sa kanilang lupaing ninuno para sa turismo at wala ring aksyon ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para tulungan sila.

Matatandaang na noong nakalipas na Biyernes Santo ay nagbarikada ang mga katutubo sa Sitio Tarukgan, Barangay Sta. Juliana, Capas, Tarlac upang igiit ng mga Ayta ang tamang kompensasyon bilang mga tour guide at karapatan para sa kanilang lupaing ninuno.

Bukod pa umano sa hindi makataong pagbibigay sa kanila ng konpensasyon at hatian nang parte ng kinikita sa turismo sa lupang dapat ay nasa pangangalaga ng mga katutubo ay talamak na din ang umano’y land grabbing para sa iba’t-ibang proyektong tulad ng mga solar generator farms at mga minahan. 

“Ang talagang may malaking problema dito ay ang mga lokal na opisina ng NCIP dahil hindi nila talaga binibigyan ng prayoridad ang ating mga kapatid na Aetas. Sa mahabang panahon ay sila ang nagiging katuwang ng mga makapangyarihan para igisa sa sarili nilang mantika ang mga katutubo,” pagdidiin ni Balintay.

Isinisi din nito sa nabanggit na ahensiya na aniya’y responsable sa mga panukalang proyekto na hindi naman makikinabang ang mga katutubo.

“Walang malinaw na pagpapaliwanag sa kabila ng may kakulangan sa kaalaman at edukasyon ang ating mga katutubong Aetas” ani pa ni Balintay. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan ni Mitch Santos)

Leave a comment