LUNGSOD NG OLONGAPO– Nagpahayag ng pagkabahala at mariing pagtutol si incumbent councilor na ngayo’y tumatakbo para bise-alkalde ng Olongapo na si Kaye Legaspi laban sa umano’y partisan political activity ng katunggaling partido nitong nagdaang Huwebes Santo, Abril 17, 2025.
Nabatid kay Legaspi na lubha aniyang “nakakabahala na habang ang karamihan ay tahimik na nagdadasal at nagmumuni-muni (noong) banal na araw, may naganap umanong pamimigay (ng ayuda) sa Tennis Court sa itaas ng mall,” sa naturang siyudad.

Sa akusasyon ng konsehala, sinabi nito sa inilabas na statement sa kanyang Vice Mayor Kaye Legaspi facebook page na nakita umano ang kanyang katunggali sa posisyon na si Rodel Cerezo sa naturang aktibidad.
Ilang video footage din ang kumalat sa mga social media chat groups na nagpapakita ng naganap na pagtitipon noong Huwebes Santo kung saan ang isang kilalang negosyante sa lungsod ay nagsasalita sa harapan kung saan naroon din umano si Cerezo.
“Ang paglabas ng mga video na nagpapakita kay Hon. Rodel Cerezo sa nasabing event ay lalong nagpapataas ng agam-agam ng publiko. Kaya naman nananawagan ako sa COMELEC at sa mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng mabilis, patas, at transparent na imbestigasyon para matukoy kung may nilabag na batas at mapanagot ang mga dapat managot,” pahayag ni Legaspi.
Ani pa nito, bilang mga kandidato na humihingi ng tiwala ng taumbayan, tungkulin nilang magsilbing magandang halimbawa. “Ang tunay na paglilingkod ay dapat rooted sa integridad, hindi sa pananamantala o political gimmick. Ang mga patakaran ng eleksyon ay hindi opsyonal—obligasyon natin itong sundin nang pantay-pantay,” pagdidiin ng konsehala.
Batay sa Resolution No. 10999 ng Commission on Election (COMELEC), itinakda rito ang mahigpit na pagbabawal sa pangangampanya o anumang gawaing politikal sa araw ng Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Nakasaad naman sa Omnibus Election Code—Sections 263 at 264, ang pagbabawal sa pamimigay ng kahit anong uri ng tulong, pera o bagay ng sinumang kandidato sa panahon ng kampanyahan. (Ang Pahayagan reportorial team)


Leave a comment