OLONGAPO CITY—Ganap na natupok sa sunog sa isa sa pinakamatanda at pinaka-iconic na business establishment sa lungsod ng Olongap nitong Linggo ng umaga, Abril 20.
Ang Sam’s Pizza na nagmarka bilang lokal na simbolo ng katatagan makaraan na ligtasan ang pagsabog ng Mount Pinatubo noong 1991, ang pag-alis ng U.S. Naval Forces mula sa Subic Bay noong 1992, at ang pagbagsak ng ekonomiya na dulot ng pandemya ng COVID-19 noong 2020, ay tuluyang nilamon ng apoy kaninang katanghaliang-tapat.
Itinatag noong Hulyo 1976, ang Sam’s Pizza ay itinuturing na isang lokal na institusyon. Kilala ito sa mga tacos at square-style pizza nang binuksan bilang restaurant sa red-light district ng Olongapo para sa U.S. Navy servicemen na nakadestino noong narito pa ang base militar ng Estados Unidos gayundin sa mga residente ng siyudad.
Ayon sa ulat ng Olongapo City Bureau of Fire Protection (BFP), una silang nakatanggap ng emergency call bandang alas-11:38 ng umaga hinggil sa nagaganap na sunog sa kahabaan ng Magsaysay Drive dito.
Sinabi ng mga saksi na nagmula ang apoy sa isang commercial space na kahilera ng naturang pizza-resto bago mabilis na kumalat sa mga katabing negosyo, kabilang ang isang car rental service.

Nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat si Olongapo Vice Mayor Aquilino “Jong” Cortez sa maagap na pagsaklolo ng Olongapo-BFP, Olongapo DRRMO-OFRT, Subic Bay Metropolitan Authority- Fire Department, Subic SPOSO, Barangay Rescue teams, OCPO-PNP, Philippine Red Cross maging ng mga volunteer radio groups at OTMPS na pawang nagtulong-tulong upang mapigilan ang pagkalat ng apoy sa iba pang establisyemento.
Dinepensahan din ng bise-alkalde ang mga rumespondeng kagawad ng pamatay sunog mula sa aniya’y mga iresponsableng “bashing” sa social media. (Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)
📸 SBMA FIRE DEPARTMENT and VICE-MAYOR JONG CORTEZ


Leave a comment