Ang Pahayagan

6 na dayuhan sinampahan na ng kasong espionage

SUBIC BAY FREEPORT–Pormal nang sinampahan ng kasong espionage ang anim na foreign nationals, lima rito mga Chinese, dahilan sa umano’y intelligence-gathering activities ng mga ito sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas, pati na ang mga barko ng Estados Unidos at ilang kritikal na imprastraktura sa Subic Bay sa Zambales.

Ang naturang foreign nationals at dalawang Filipino bodyguard ng mga ito ay sinasabing sangkot sa intelligence, surveillance and reconnaissance (ISR) operations ay naaresto sa isinagawang reyd sa Grande Island ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation, Subic Bay Metropolitan Authority at Philippine Navy SEALs noong Marso19.

Iprinisinta ang mga suspek sa piskalya para sa inquest proceeding sa Office of the Provincial Prosecutor, Bataan nitong Marso 21 sa mga kasong paglabag sa Commonwealth Act No. 616 (Espionage Law); Articles 172 (Falsification by Private Individuals at Use of Falsified Documents) and 178 (Using Fictitious Name and Concealing True Name) of the Revised Penal Code; Republic Act (RA) No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act); at election gun ban.

Sa press briefing, iniharap ni Ferdinand Lavin sa mga mamamahayag ang anim na dayuhang suspek gayundin ang mga kagamitang narekober sa kanila.

Kinilala ang mga ito na sina He Peng, alias Nan Ke; Xu Xining; Ye Tianwu, alias Qui Feng/Quing Fe; Ye XIaocan; Dick Ang; at Su Anlong.

Inilahad sa presscon na ang NBI Cybercrime Division ay nakatanggap ng liham noong Marso 17 mula sa Armed Forces of the Philippines- Military Intelligence Unit tungkol sa mga dayuhan na hinihinalang nagsasagawa ng lihim na paniniktik sa mga kritikal na imprastraktura sa Gitnang Luzon.

Sinabi ng NBI na ang naturang mga dahuyan ay nagpapanggap umanong  mga recreational fisher na madalas naglalagi sa mga pantalan.

Iniulat din na ang grupo ay gumagamit umano ng mga hi-tech na drone upang magsagawa ng pagsubaybay sa mga asset ng hukbong-dagat, kabilang ang mga mula sa mga lokal na pwersa at mga kaalyadong bansa, na dumadaan sa Grande Island.

📸NBI

Leave a comment