Ang Pahayagan

Komemorasyon ng 80th “Bloodless Landing” ginawa sa La Paz, San Narciso

ZAMBALES—Ginunita sa bayan ng San Narciso ang ika-80 taong anibersaryo ng La Paz “Bloodless Landing”, alinsabay ang groundbreaking ceremony ng itatayong monumento para rito sa naturang lugar.

Pinangunahan ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr., kasama sina San Narciso Mayor La Rainne Abad-Sarmiento at Philippine Navy Fleet Commander Rear Adm. Joe Anthony Orbe ang naturang okasyon sa pamamagitan ng wreath-laying ceremony sa orihinal na bantayog ng makasaysayang “Bloodless Landing” sa dalampasigan ng Barangay La Paz.

Batay sa tala ng kasaysayan, naganap ang naturang bloodless landing noong Enero 29, 1945 kung saan bago pa man dumaong ang Allied forces sa pangunguna ng Estados Unidos ay naging masigasig na ang mga Filipinong gerilya na kabilang sa La Paz Sector, Zambales Military District upang gapiin ang mga puwersang Hapones.

At upang maiwasang bombahin bago pa ang isasagawang amphibouos landing sa mga bayan ng San Antonio, San Narciso at San Felipe ay sinalubong nina First Lt. Aureliano Tadena kasama ang dalawa pang gerilya na lulan ng isang bangka ang US flotilla upang abisuhan ang mga ito na nalinis na nila ang mga puwersang Hapones at ang naghihintay na lamang sa dalampasigan ang mga Filipinong sibilyan na malugod na sasalubong sa kanila.

Sa ginawang commemoration rites ay ginawaran ng Posthumous Citation ang tatlong gerilyang sina 1st Lt. Tadena, Sgt. Pablo Magno at Numeriano Fabie, kung saan nakasaad rito ang katagang “ In recognition of (his) meritorious service to the nation as an exemplary Zambaleño whose courage and bravery took the country closer to liberation during World War II.” Ang nasabing mga pagkilala ay tinanggap ng kani-kanilang descendant.

Nagkaroon din ng ceremonial groundbreaking para sa itatayong “Bloodless Landing Monument” gayundin ang re-enactment ng local stage group na Teatro ni Baste. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Leave a comment