BATAAN—Apat katao ang sinakote ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 3 (RFU 3) kasama ang CIDG Zambales PFU at CIDG Bataan PFU, sa isang entrapment operation noong Sabado, Enero 4, 2025, sa Barangay Parang-parang, Orani, Bataan.
Ayon kay Acting CIDG Director PBGen Nicolas Torre III, isinagawa ang operasyon kasunod ng reklamo ng biktimang kinilala lamang na Kimberly, na nahingan ng ₱1,000,000 bilang downpayment sa isang parcel ng lupa sa Subic, Zambales, gamit ang pekeng Transfer Certificates of Title (TCT).
Humiling pa umano ang mga suspek ng karagdagang ₱2,000,000, dahilan upang humingi ng tulong ang biktima sa mga otoridad. Nang isinagawa ang operasyon, arestado ang apat na indibidwal na kinilala lamang sa kanilang mga alyas na Aprilyn, Junie, at dalawang iba pa samantalang tatlong iba pang suspek ang tumakas at patuloy na nagtatago.
Nakumpiska sa operasyon ang mga pekeng dokumento tulad ng voter’s IDs, national IDs, at iba pang government-issued IDs, bukod sa isang tunay na ₱1,000 bill at 999 piraso ng boodle money. Ang mga arestadong suspek ay binigyan ng abiso ng kanilang mga karapatan at kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Bataan PFU. Nahaharap ang mga ito sa kasong Syndicated Estafa sa ilalim ng Presidential Decree 1689 kaugnay ng Article 315 (2a) ng Revised Penal Code.


Leave a comment