PAMPANGA– Isinagawang muli ang taunang makulay na pagdiriwang ng Aguman Sanduk Festival bilang pagpaparangal sa mayamang kultura at tradisyon ng bayan ng Minalin, sa pagsisimula ng taon nitong Enero 1, 2025.
Ang mga kalahok na kalalakihan sa pagdiriwang ay pawang nakadamit ng masasayang kasuotan para sa kababaihan o nag-cross-dress ng mga damit, alahas, at pampaganda habang nagpaparada sa plaza ng bayan.

Tampok din sa parada ng mga float at street performers na sumasayaw sa saliw ng musika ng mga katutubong talento tulad ng Arti Sta. Rita.
Dinaluhan ang okasyon nina Dr. Richard G. Daenos (DOT-III Regional Director), Ching Pangilinan (City Tourism Officer of San Fernando, Pampanga), Peter de Vera (Artistic Director), Andy Alviz (Director-Composer), Joel Mallari (Writer), at Dr. Raymond Patterson (College Professor) na nagsilbing hurado para sa mga lumahok sa festival.
Ayon kay Mayor Philip Naguit, ang ika-92 edisyong ito ng festival ay patunay na patuloy na pinapanatili ng mga taga Minalin ang namanang kultura gayundin ang pagtataguyod sa pagkakaisa at pagpapalakas ng kanilang komunidad.
Ang unang “Aguman Sanduk,” na nangangahuluga ng “fellowship of the ladle,” ay nagsimula noong 1930s, na umusbong bilang isang selebrasyon upang iangat ang moral ng komunidad sa panahon ng kahirapan.
📸 Department of Tourism – Central Luzon


Leave a comment