Isinulong ni Senador Alan Peter Cayetano ang paghahatid ng de-kalidad na tertiary education sa mas maraming taga-Central Luzon.
Ginawa niya ito sa pag-sponsor sa plenaryo ng dalawang panukalang batas na magpapalakas sa isang kilalang state university sa Pampanga.
Sa plenary session nitong December 18, 2024, inendorso ni Cayetano, na tagapangulo ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, ang Committee Reports No. (CRN) 434 at No. 433 na parehong nakatuon sa Don Honorio Ventura State University (DHVSU).
Ipinapanukala ng CRN 434, na batay sa House Bill No. 9989, na gawing Pampanga State University ang pangalan ng DHVSU.
Palalawakin din nito ang degree offerings ng paaralan at i-uupdate ang governing board, kasabay ng paglalaan ng kinakailangang pondo.
Ang CRN 433 naman, na batay sa House Bill No. 9988, ay naglalayong gawing regular campus ang satellite campus ng DHVSU sa City of San Fernando.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Cayetano na ang dalawang panukalang batas ay makatutulong sa pagkamit ng layuning maging abot-kaya ang de-kalidad na tertiary education sa lahat ng Pilipino, anuman ang estado sa buhay.
“Kung hindi ka pinanganak sa mayamang pamilya or you’re not born at the right place at the right time, in the richest cities, will you have the same opportunity of finishing college?” tanong ng senador.
“This is one thing that Don Honorio Ventura State University wants with the two House Bills,” pagpapatuloy niya.
Binigyang diin din ni Cayetano na dahil isang lumalagong sentro ng economic activity ang Pampanga, malaki ang papel na maaaring gampanan ng DHVSU sa pagtugon sa tumataas na demand ng komunidad para sa edukadong manggagawa.
“Alam naman natin na nasa Pampanga at Tarlac ang Clark, at kapitbahay din ang Bulacan Airport,” pahayag niya.
“So saan ba sila kukuha ng magpapatakbo ng mga negosyo, ng NGOs, ng churches? Gusto ng Pampanga State University na maging iyon ,” pagpapatuloy niya.
Itinatag ang DHVSU noong 1861 bilang isang school of arts and trades. Idineklara itong state college noong 1978 bago tuluyang maging isang state university noong 2009.
Sa kasalukuyan, ang Level III state university na ito ay may main campus sa Bacolor, anim na regular campus, at isang satellite campus.
“If you compare it to some of the most well-funded state universities in the country, it’s incredible how with a humble budget, they were able to give quality education to 46,000 enrollees,” pahayag ni Cayetano, na tinutukoy ang student population ng DHVSU ngayong 2024.
Nagpahayag ng pag-asa ang senador na maipapasa ng Senado ang dalawang panukalang batas sa muling pagbubukas ng sesyon bandang Enero ng susunod na taon.
“I do hope in January, we’ll be able to pass these two bills,” pahayag niya.(PR)


Leave a comment