SUBIC BAY FREEPORT – Nagpulong kamakailan sina Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman and Administrator Engr. Eduardo Alino kay Bureau of Customs (BOC) – Port of Subic District Collector Atty. Ricardo U. Morales II upang talakayin at tugunan ang ilang isyu na kinakaharap ng nasabing mga ahensiya sa Subic Bay Freeport zone.
Kabilang sa mga natalakay na isyu ang hinggil sa mga refrigerated (reefer) container na nakalagak sa Subic Bay International Terminal Corp. (SBITC) na umano’y tinanggalan ng suplay ng kuryenta na naging dahilan upang magdulot ng mabahong amoy ang nabulok na produkto sa loob ng nasabing mga container van.
Naging dahilan ito upang maglabas ng Notice of Violation si SBMA Ecology Department Head Amethya dela -Llana Koval laban sa BOC matapos umanong mabigo ang ahensya na maayos na itapon ang 52 container na may mga condemned goods na nasamsam mula pa noong 2022 at naipon sa mga sumunod pang taon.
Nakasaad sa naturang Notice of Violation na dalawang beses silang nagpadala ng liham sa BOC para ipaalam sa kanila ang kanilang water sample test results at visual inspection noong Oktubre, ngunit nabigo umano ang BOC na sagutin ang alegasyon.
Sa ginanap na pulong, binigyang-diin ng dalawang ahensya ang kahalagahan ng mahusay na pamamahala sa daungan at napapanahong interbensyon upang maiwasan ang mga katulad na insidente sa hinaharap.
Kapwa sang-ayon ang SBMA at BOC Subic na dapat na kumpleto sa kagamitan ang mga yarda sa daungan ng iba’t ibang mga kargamento, kabilang ang para sa mga produktong nabubulok at nangangailangan ng refrigerated storage.
Sa kabilang banda, iginiit ng BOC -POC ang kanilang pagtutol sa nakaugalian nang pagtanggal sa suplay ng kuryente ng mga refrigerated container na anila’y humahantong sa pagkabulok at pagbaho ng mga produkto. Ito umano ay nagiging sanhi din ng pagkagambala sa operasyon ng daungan at nakakaapekto din sa mga kalapit na pasilidad sa puwerto.
Niliwanag din ni Morales na sa kabila nang kagustuhan din ng BOC-POC na maitapon kaagad ang nilalaman ng mga apektadong container, mahalagang naman aniya na sundin ang mga procedural clearance na kinakailangan para sa ligtas at ligal na pagtatapon. “We want to resolve this quickly, but due process must be observed to ensure compliance with regulations,” paglilinaw pa ni Morales.
📸 BOC-Port of Subic


Leave a comment