Ang Pahayagan

Kongreso ng Mangingisda para sa Kapayapaan at Kaunlaran ginanap sa Subic

ZAMBALES- Mahigit sa 150 mangingisda mula sa mga bayan ng Subic, Santa Cruz at Masinloc dito ang pinulong ng National Security Council (NSC) upang pag-usapan ang mga kasalukuyang problemang kinakaharap ng mga mangingisda dulot sa mga kaganapan sa West Philippine Sea particular sa Panatag (Scarborough) Shoal o Bajo de Masinloc.

Ang naturang Fisherfolk Congress o Kongreso ng Mangingisda para sa Kapayapaan at Kaunlaran ay ginanap sa Subic municipal gymnasium kung saan hinatiran din ng ayudang tig-sampung libong piso (Php10,000) ang mga mangingisda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS mula sa Department of Social Welfare and Development.

Bukod sa tulong pinansyal ay nabigyan rin ang mga benepisyaro ng family food packs, family health packs, at hygiene kits.

Layon ng dalawang araw na kongreso ang umano’y ipabatid sa mga apektadong komunidad ang mga ginagawa ng pamahalaan upang ipaglaban ang WPS sa pamamagitan ng panawagan para sa maritime peace.

Hinikayat din rito ang mga kalahok na maging makabayan at pa-iralin ang bolunterismo para sa mga advocacy campaign sa pinatatalunang teritoryo.

Tinuruan din ang mga mangingisda ng basic first aid at life-saving knowledge na kakailanganin nila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay sa karagatan gayundin sakaling magkaroon ng mga kalamidad.

📸 PIA

Leave a comment