ZAMBALES – Nasa 171 pamilya na binubuo ng 562 indibidwal ang kinailangang ilikas mula sa tatlong munisipalidad ng lalawigang ito sa mga itinakdang evacuation centers habang sa kasagsagan ng bagyong EntengPH (international name Yagi) nitong nakalipas na dalawang araw (Setyembre 2 at 3).
Batay ito sa ulat na nakalap mula sa Provincial Disaster Risk-Reduction and Management Office (PDRRMO) kung saan natala ang pre-emptive evacuations sa mga bayan ng Iba, Santa Cruz at Botolan dahilan sa pagbaha na umaabot sa tatlong talampakan.
Nabatid na ang mga bakwit sa bayan ng Iba ay pansamantalang nakituloy sa Paulo Abastillas Sr. Memorial Elementary School in Barangay Palanginan, samantalang sa Botolan naman ay sa PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corp.) evacuation center sa Barangay Taugtog.
Iniulat din ng PDRRMO na temporary isolated ang Barangay Santa Fe sa San Marcelino nitong nakalipas na Lunes dahilan sa malakas na daloy ng tubig sa Sto. Tomas river channel.
Napa-ulat din ang pagkasira ng tatlong bahay sa bayan ng San Felipe dulot ng malalakas na bugso ng hangin dala ng bagyo.
Naging alerto din ang 69th Infantry (Cougar) Battalion sa ilalim ng pamumuno ni LTC Sonny Dungca para sa posibleng mga Humanitarian Assistance and Disaster Responsw operations habang nanalasa ang bagyo.


Leave a comment