Ang Pahayagan

Admin leave idenekara ng SBMA, pasok sa mga eskwela kinansela din dahil sa banta ni Enteng

OLONGAPO CITY– Nagdeklara ng administration leave ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) habang ang pasok naman sa mga eskuwela sa lungsod ng Olongapo ay sinuspinde din dahil sa banta ng pag-ulan dulot ng bagyong Enteng (Yagi).

Ang deklarasyon ng administration leave sa SBMA ay inihayag ni Corporate Communications Deputy Administrator Armina Llamas.

“ANNOUNCEMENT: Due to worsening weather conditions, ADMINISTRATION LEAVE is declared effective as of this posting. BY AUTHORITY OF THE CHAIRMAN AND ADMINISTRATOR. Take care. Stay safe”, saad sa inilabas na deklarasyon bandang ika-12:20 ng tanghali.

Dakong ika-3:00 ng hapon nang magdeklara naman suspensyon ng klase sa lahat ng antas si Olongapo City Mayor Rolen Paulino Jr.

“Magandang hapon po sa lahat. Inaaasahan na bubugso ang ulan ngayong gabi. Dahil dito, magsususpinde na po ng pasok ang mga schools (ALL LEVELS) simula 4:30pm para maunahan lang ang uwian ng mga galing sa trabaho. Pwede pong magpauwi ng mas maaga ang mga paaralan,” saad sa anunsyo sa facebook page ng alkalde.

Hinikayat din ni Paulino na maging alisto ang lahat lalo na sa gabi at mag-antabay sa mga anunsyo ng mga otoridad.

Base sa pinakahuling pagtaya ng PAGASA ay nag-landfall na sa bahagi ng Casiguran, #Aurora ang sentro ng Bagyong Enteng kaninang ika-2:00 ng hapon.

Leave a comment