ZAMBALES — Dalawang hiwalay na pagkilos ang isinagawa ng mga mangingisda sa Zambales alinsabas sa ika-8 anibersaryo ng arbitral ruling kung saan kinatigan sa desisyon ang Pilipinas kontra bansang Tsina sa Permanent Court of Arbitration (PCA) kaugnay sa usapin ng pinagaagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Isinagawa ang fluvial protest ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa Barangay Calapandayan, Subic habang may rally din ang grupong WPS Atin Ito sa Barangay San Miguel, San Antonio.

Lulan ng mga bangkang pangisda na may mga protest banner at dalang life-size replica cover page ng naturang arbitral ruling, naglibot ang grupong Pamalakaya sa mga fishing communities habang nananawagan na kilalanin ng Tsina ang resulta ng PCA decision.
“Nananawagan kami sa publiko na suportahan ang kahilingan ng mga Pilipinong mangingisda na maisakatuparan na ang arbitral ruling,” saad ni Joey Marabe, Pamalakaya-Zambales Provincial Coordinator.
Sinabi pa nito na sa nakalipas na walong taon matapos maipalabas ang desiyon ng PCA ay hindi pa rin mapakinabangan ang likas yamang-dagat sa ating teritoryo na pinalala pa ng pagpasok ng mga aniya’y foreign powers na lalong nagpataas sa tension sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon naman sa grupong Atin Ito, nanawagan ang mga ito na hikayatin ang gobyerno na ideklara ang Hulyo 12 ng bawat taon bilang “West Philippine Sea Day.”

“Designating July 12 as ‘West Philippine Sea Day’ will serve as a yearly reminder of our victory in safeguarding our territorial integrity and promoting awareness about the need to defend our sovereignty, economic rights and territorial integrity in the area,” saad sa isang press statement ni Akbayan President at Atin Ito co-convenor Rafaela David na binasa para sa mga dumalo sa rali.


Leave a comment