Ang Pahayagan

FBS sa Palauig inilunsad

Sinimulan na ng Department of Agrarian Reform (DAR)-Zambales ang proyektong Farm Business School (FBS) para sa tatlumpu’t-dalawang (32) benepisyaryo mula sa Bato Palauig Farmers Association Inc. (BPFAI) matapos ang ginawang pagpirma ng Memorandum of Agreement nitong nakalipas na Mayo 9 sa Palauig Zambales.

Ang paglagda sa kasunduan na ginanap sa Palauig Mayor’s Office ay isinagawa sa pagitan nina DAR – Zambales PARPO II Engr. Emmanuel G. Aguinaldo, Palauig Mayor Billy M. Aceron, Municipal Agriculturist Mara Jane Amuyot, BPFAI President Stephen Paradeza at Barangay Bato Chairman Tony Alvez.

Ang FBS ay isang proyekto sa ilalim ng Program Beneficiaries Development Division ng DAR kung saan ang mga benepisyaryo ay tinuturuan ng mga bagong pamamaraan sa pagsasaka at makapagbigay ng mga de-kalidad na pananim. Kasabay nito, namahagi rin ng mga butong pananim para sa kanilang mga demo farm.

Ang demo farm ay magsisilbing model farm na kung saan ang mga interesadong Agrarian Reform Beneficiaries’ Organizations ay maaaring bumisita upang matutunan ang ilang pamamaraan sa pagsasaka na maaari nilang isagawa sa kani-kanilang mga lugar.

Layunin ng proyekto na makatulong sa mga lokalidad na palawakin ang produksyon ng pagkain sa bansa.

📸 Larawan mula sa DAR-Zambales

Leave a comment