ZAMBALES- Dalawampu’t-pitong (27) mga magsasaka ang nabahaginan ng Computerized Titles samantalang limang agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) naman ang nabigyan ng mga kagamitang pambukid.mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa isang simpleng seremonya na ginanap nitong Huwebes, Abril 4.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ni Atty. Odgie C. Cayabyab, Assistant Regional Director ng Department of Agrarian Reform (DAR), kasama si PARPO II Engr. Emmanuel G. Aguinaldo ng DAR Zambales at iba pang kawani at opisyal ng DAR Regional Office at DAR Bataan-Zambales.
Nagmula ang mga benepisyaryong magsasaka sa mga bayan ng Castillejos, San Narciso at Botolan na tumanggap ng kanilang mga titulo para sa kabuuang sukat na higit sa limampu’t-pitong (57) ektarya.
Ang pamamahaging ito ay alinsunod sa pagsasakatuparan ng proyektong Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) na kung saan hinahati ng DAR ang mga iginawad na lupain na sakop ng isang collective certificate of land ownership award upang mabigyan ng indibidwal na titulo ang mga agrarian reform beneficiary. Dahil dito, magiging ganap na ang kanilang pagmamay-ari ng lupa.

Samantala, apat na ARBOs ang pinagkalooban ng tig- isang (1) unit na hand tractor na may kasamang rotavator at tool, at iba pang aksesorya nito tulad ng generator, four stroke grass-cutter, power sprayer, steel chainsaw at water pump diesel.
Sila ay mula sa Paglana Tuga Farmers Association, Inc. (Masinloc), San Rafael Cabangan Crops and Livestock Farmers Association, Inc. (Cabangan), Nagbayan Farmers Agriculture Cooperative (Castillejos), at Gurung-guru Farmers Association, Inc. (San Felipe). Ang proyektong ito ay nasa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPSP)-Sustainable Livelihood Development Support For Disaster Affected Areas (SLSDAA) ng DAR Zambales.
Ang Bato Palauig Farmers Association, Inc. mula sa bayan ng Palauig ay mapalad namang tumanggap ng 4- wheel drive tractor with rotavator. Ito naman ay sa ilalim ng proyektong Major Crop Based Block Farm Productivity Enhancement ng CRFPSP.


Leave a comment