ZAMBALES — Matagumpay na isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon ang Bio-Fertilizer Derby Field Day sa Barangay Salaza, Palauig, Zambales.
Ang naturang aktibidad ay sa ilalim ng Rice Banner Program kung saan nakibahagi rito ang Office of Provincial Agriculture at mga Municipal Agriculture Offices sa lalawigang nabanggit.
Layunin ng Bio-Fertilizer Derby na mabawasan ang paggamit ng mga sintetikong pataba na maaaring magdulot ng pinsalang pangmatagalan sa kalusugan ng mga magsasaka, lupa, at kalikasan. Naimbitahan rito ang may 40 magsasaka upang maiprisinta at maipa-unawa ang benepisyo ng organikong pataba.

Ayon kay Amelita Londonio, Farmers Field School/Techno-Demo Coordinator, hinimok niya ang mga magsasaka na suportahan ang paggamit ng organikong pataba.
Sa pamamagitan aniya ng tamang paggamit ng organikong pataba, maaaring mabawasan ang gastos sa pagsasaka at mapanatili ang kalusugan ng lupa para sa masiglang paglago ng pananim at mataas na kita ng mga magsasaka.
Nakiisa sa naturang bio-fertilizer derby ang kumpanyang nag-pakita sa kahalagahan ng mga organikong pataba sa pagsasaka tulad ng Romarc Enterprises, Aldiz Inc., Unigrow, INAVET Nutrition Technologies, Inc., CHC Agritech/LM Arenas Agri Product Corporation, at Agripure.
Ibinahagi naman ni Science Research Specialist II Mark Kevin Santiago ng Research Division ang mga natuklasan hinggil sa epekto ng anim na organikong pataba na naging bahagi ng Bio-Fertilizer Derby na ito.

Aniya sa kanyang isinagawang mga pagsusuri ay nagpakita ng mahahalagang impormasyon tungkol sa pag-unlad ng mga pananim na sumailalim sa iba’t ibang organikong pataba.
Samantala, nagpahayag naman ng saloobin hinggil sa inisyatibang ito ang Farmer Cooperator na si Honorio Maza. Aniya, lubos ang kaniyang pasasalamat dahil ang kaniyang lupang sakahan ang napili upang pagdausan ng derby para sa wet season ngayong taon.
Sa tulong ng Bio-Fertilizer Derby, ipinapakita na ang organikong pataba ay isang mahusay na alternatibo sa mga sintetikong pataba. Sa kabila ng mga hamon sa pagsasaka, nagpapakita ito ng potensyal na magdala ng pag-asa at kaunlaran sa sektor ng pagsasaka sa rehiyon. (Teksto at larawan mula sa DA Gitnang Luzon)


Leave a comment