Ang Pahayagan

Fiesta Communities Inc., nagdonate ng health at daycare centers sa Castillejos

ZAMBALES– Nagbigay ang Fiesta Communities Incorporated (FCI) ng isang health center, dalawang Daycare Center at isang tulay sa lokal na pamahalaan rito sa simpleng turn over ceremony na ginanap sa municipal building nitong Biyernes, Oktubre 13.

Sa naturang okasyon na dinaluhan ng mga opisyal ng munisipyo at mga barangay ay tinanggap ni Castillejos Mayor Jeffrey D. Khonghun ang nasabing mga donasyon mula kay FCI at Hausland Group President and Chairman Wilfredo M. Tan.

Nagkaroon din ng ceremonial signing ng Deed of Donation sina Khonghun at Tan na sinaksihan nina Municipal Social Welfare head Romina Bocalbos at FCI deputy Chief Operations Manager Philip Anthony Tan kasama ang mga opisyales ng beneficiary barangay ng Nagbunga at Del Pilar sa Castillejos.

“Nawa ay makatulong ang mga gusaling ito upang maging pundasyon ng inyong mga anak sa kanilang paglaki,” saad ni Tan sa kanyang mensahe.

Ang dalawang daycare center ay nakatayo sa Fiesta Communities sa Barangay Del Pilar at sa Bayanihan Community Homes sa sitio Nagbayto, Barangay Nagbunga habang ang community bridge naman ay inilagay sa Nagbunga na nag-uugnay sa kalsadang patungo sa sitio Lawin, San Marcelino. (Ulat para sa Ang Pahayagan / JUNDUMAGUING)

Leave a comment