Ang Pahayagan

SALOFA tumanggap ng dalawang motorsiklo mula sa DAR

ZAMBALES – Lubos ang kagalakan ng mga opisyales at miyembro ng San Felipe Livestock Farmers Association (SALOFA) sa pamumuno ni Chairman Gary Michael Fariñas nang matanggap ng kanilang samahan ng dalawang motorsiklo na may kasamang kolong-kolong sa ginanap na simpleng ceremonial turnover kamakailan sa San Felipe, Zambales.

Ang pagbibigay sa naturang mga sasakyan ay nakapaloob sa proyektong Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) ng Department of Agrarian Reform (DAR) na isang inisyatibo ng pamahalaan sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensya na naglalayong mabawasan ang kahirapan at gutom sa buong bansa.

Sa ilalim ng PAHP, ang SALOFA ay binibigyan ng pagkakataon na direktang mailako ang kanilang kalakal tulad ng bigas sa San Felipe LGU. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng regular na pamilihan ang mga miyembro ng SALOFA na mag-supply ng kanilang mga produktong bukid, kaya’t napapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka at kasabay na rin nito na tinitiyak ang seguridad sa pagkain sa komunidad.

Nauna nang nagsagawa ng dalawang araw na pagsasanay hinggil sa Formulation of Policy, System, and Procedures on the Operation and Management of Delivery Vehicle sa ilalim ng PAHP para sa mga miyembro ng SALOFA, Ito ay sa pangunguna ni DAR Zambales, PARPO II Emmanuel G. Aguinaldo, alinsunod sa direktiba ng Pangulo at DAR Secretary Sec. Conrado Estrella III na iangat ang kabuhayan ng mga magsasaka.

📸 Larawan mula sa DAR Zambales

Leave a comment