OLONGAPO CITY—Nagdulot ng malaking kaabalahan sa mga motorista at marami din ang napilitan na lamang na maglakad upang makapasok sa trabaho at eskuwelahan bunsod sa isinasagawang drainage project ng Department of Public Works and Highway (DPWH) sa bahagi ng national highway ng lungsod na ito ngayong Lunes, Setyembre 18.
Bunsod ng dumagsang reklamo ng mga motorista ay naglabas ng statement si Olongapo City Mayor Rolen Pulino Jr na nag-atas sa DPWH na pansamantalang ihinto ang paggawa sa naturang proyekto sa bahagi ng Parola at Preda sa Barangay Kalaklan sa kahabaan ng Olongapo-Zambales highway ngayong araw upang maibsan ang perwisyong nalikha ng proyekto.

“Humihingi po ako ng pacensiya sa lahat ng naabala sa proyekto ng DPWH sa area ng Kalaklan. Medyo kulang po kasi sa coordination sa atin itong project nila,” saad sa mensahe ni Paulino sa kanyang social media page.
“Sinabihan ko po na itigil muna ang construction ngayong araw at magtuloy ng trabaho mamyang gabi simula 8PM to 4:30AM para po hindi maka abala sa trapiko,” pagdidiin ni Paulino.
Maging si 1st District Congressman Jay Khonghun ay naghayag din ng pagkadismaya sa naturang DPWH project.
“Already talk to DPWH… Stop construction na sila sa araw starting now and they will continue their work sa gabi around 7pm…And pag-isipan din muna sana ang perwisyo na mangyayari bago gawin ang isang bagay,” pagdidiin ni Khonghun.

Napag-alaman na naging pasakit sa mga motorista ang pagbi-byahe na kung saan umaabot sa mahigit tatlong oras ang kelangang gugulin bago makatawid sa porsyon na may ginagawang proyekto.
Maraming commuter sa mga pampublikong sasakyan ang napilitang umibis at maglakad ng may tatlong kilometro upang makarating sa Subic Bay Freeport zone.
Ilang mga pampublikong jeepney ang napilitang mag-cutting trip upang umiwas na maipit sa trapiko habang ang ilang pasahero naman ang iniulat na sumakay ng bangka sa Barangay Baretto patungong Parola sa Barangay Kalaklan upang makarating sa Olongapo City.
“Sayang ang diesel habang naka-tengga sa trapik kaya hindi na lang muna ako magbibyahe,“ sambit ni Cornelio, isang tsuper ng pampublikong jeepney na nakapanayam ng Ang Pahayagan makaraan na mag-cutting trip sa bahagi ng Skipper Beach sa Barangay Baretto.
Nabatid na inumpisahan ng DPWH noong araw ng Biyernes ang nasabing proyekto kung saan dumagsa na din ang reklamo ng mga naperwisyong motorista dulot ng trapik na nalikha nito. (Ulat ng Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)


Leave a comment