ZAMBALES – Namahagi ng mga kagamitang pambukid ang tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa apat na agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) ng lalawigang ito.
Ayon kay Dana J Domingo, Officer- in- Charge, Program Beneficiaries Development Division (PBDD) ng DAR-Zambales, pinangunahan ni Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Emmanuel G. Aguinaldo ang pamamahagi ng mga naturang mga kagamitan sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya na ginanap sa tanggapan ang ahensya sa Barangay Palanginan, Iba.

Ang mapapalad na ARBOs na naging benepisyaryo ng proyekto ay ang Bancal Mayanan Farmers Association Inc. (Botolan), Tumutugol Irrigators Association (Masinloc), Botolan Muna Farmers Multipurpose Cooperative (Botolan), at ang San Esteban Farmers Association Inc. (San Antonio).
Nabatid kay Aguinaldo na sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPSP)-Sustainable Livelihood Development Support For Disaster Affected Areas ng DAR – Zambales, ang tatlong ARBO ay tumanggap ng tig- isang (1) unit na hand tractor na may kasamang rotavator at tool, at iba pang aksesorya nito tulad ng generator, four stroke grass-cutter, power sprayer, steel chainsaw at water pump diesel.

Samantala, sa ilalim naman ng Major Crop Based Block Farm Productivity Enhancement ng CRFPSP, ang Bancal Mayanan Farmers Association Inc. ay tumanggap naman ng 4- wheel drive tractor with rotavator.
Bukod dito, mayroon din itong kaakibat na mga pagsasanay na tunay na kapakipakinabang sa kanilang organisasyon at higit na makakatulong na mapataas ang kanilang kita sa pagsasaka, paliwanag naman ni Domingo.
Sa kaniyang mensahe, ibinalita ni PARPO Aguinaldo ang tungkol sa Republic Act 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act na kung saan ay napapawalang bisa ang pagkakautang ng mga magsasaka kasunod ng pagkakaloob ng DAR ng kanilang mga lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Sa ilalim ng kasalukuyang panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ni Kalihim Conrado Estrella III, mas lalo pang pag-iibayuhin at dadagdagan ang mga suportang serbisyong laan para sa mga benepisyaryo, saad pa ni Aguinaldo.
📸 Larawan mula sa DAR-Zambales


Leave a comment