ZAMBALES- Nagkilos protesta ang mga mangingisda kasama ang mga miyembro ng progresibong grupo upang tuligsain ang ginaganap na Balikatan military exercise at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ang naturang rali na pinangunahan ng Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (Kilusan) ay ginanap malapit sa Masinloc Fish Port kung saan nagkaroon ang mga ito ng maikling programa at fluvial parade.

Ayon sa pahayag ni Manny De Jesus, presidente ng Samahan ng Mangingisda ng Masinloc Zambales, napipinsala aniya ang yamang-dagat at natataboy din ang mga isda sa ginagawang live fire exercise ng Balikatan at maapektuhan ang kabuhayan nilang mga mangingisda.
Sa kanyang pagtaya ay may 60 mga lantsa na may tatlong libong tripulante ang pinatigil sa paglalayag at nawalan ng kita dahilan sa pinahinto umano silang maglayag dahilan sa ginanap na pagsasanay-military.
Nag-aalala din ang mga mangingisda na maaapektuhan ang kanilang mga payao kasama na ang mga bahura na tirahan ng mga isda na matataboy bunsod umano ng mga pagpapasabog sa karagatan.
Ang payao o fish aggregate device ay mga istrakturang inilalagay ng mga mangingisda upang magsilbing tirahan ng mga isda sa laot. Gumagasta umano ng tinatayang P90 libo kada istraktura na inaanihan nila tonetoneladang isda tuwing 15 araw.
Ang Balikatan 2023 ay taunang bilateral exercise sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at US military kung saan tampok sa tatlong linggong pagsasanay ang amphibious operations, command and control, humanitarian assistance, urban operations at counterterrorism skills sa iba’t-ibang lokasyon sa northern and western Luzon.
Pinakatampok na aktibidad rito ang combined joint littoral live fire exercise sa karagatan ng San Antonio na sinaksihan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni JUN DUMAGUING)


Leave a comment