Ang Pahayagan

Mag-asawa sa Subic timbog sa P1.5 milyong halaga ng droga

ZAMBALES- Inaresto ng mga otoridad ang isang mag-asawa makaraang makuha sa pag-iingat ng mga ito ang tinatayang P1.5 milyong halaga ng shabu sa ginawang buy-bust operation sa bayan ng Subic, Zambales nitong Sabado (Enero 07).

Sa ulat ng Subic MPS, kinilala ang mga suspek na sina Joemmier John Leapart , 35-anyos na sinasabing miyembro ng Naldi drug group at nakatala bilang umano’y high-value target ng mga otoridad sa Gitnang Luzon at ang kinakasama nitong si Angelique, kapwa residente ng Sitio Bukid, Barangay Calapacuan.

Naunang dinakma ng mga pulis ang babae dahilan sa nagbenta umano ito ng isang sachet ng droga sa isang possier-buyer agent at kasunod na nakuha sa operasyon ang 24 piraso ng mga transparent sachet ng shabu, na may timbang na 227.2 gramo at halagang nasa P1,544,960 gayundin ang iba pang mga paraphernalia para rito. Detenido ngayon Subic police station ang mga suspek habang inihahanda ang kasong isasampa sa kanila na paglabag sa Comprehensive Drug Act of 2002. (Ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Leave a comment