OLONGAPO CITY—May posibilidad na magbalik ang mga Amerikano sa Subic Bay makalipas ang pull-out ng mga ito tatlong dekada na ang nakalipas.
Ito ang pahiwatig ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Rolen Paulino na nagsabing tila hindi malayong mapasama ang Subic Bay sa mga napipisil na lugar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA dahilan sa napaka-istatrtehiko umano ng lugar na ito.
Ang Subic ay ang pinakamalaking military base ng Estados Unidos sa Asya sa loob ng halos 94 na taon.
Ang naturang pahayag ay ginawa ni Paulino isang araw bago ang komemorasyon sa ika-30 founding anniversary ng SBMA gayundin ng bases pull-out noong Nobyembre 24, 1992.
Sa naturang pagdiriwang ng SBMA ay nagkaroon ng aircraft static display sa Subic Bay International Airport kung saan itinanghal ang ilang eroplanong ginagamit sa aviation training kasama na ang isang Philippine Navy helicopter.
Alinsabay naman dito ang nagaganap na negosasyon sa pagitan ng Amerika at Pilipinas hinggil sa pagdaragdag pa ng pasilidad sa ilalim ng EDCA.
Ayon pa kay Paulino, dahilan aniya sa nagaganap na tension sa Taiwan at ang girian sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina kung kaya’t lumalabas ang Subic sa mga napagtutuonan ng pansin.
Nagpahayag din sa isang panayam ang dating alkalde ng Olongapo ng pagkiling na panatilihin ang pakikipag-alyado sa US dahilan na rin aniya sa maraming mga residente rito ay “pro-Americans” bunsod sa matagal na pananatili rito ng base militar.
Ang dating US Naval Base sa Subic Bay ay isa nang sentro ng turismo at komersyo na nagbigay trabaho sa 150,000 residente ng Olongapo at kanugnog na lalawigan sa Gitnang Luzon. (Kalap na ulat ni JUN DUMAGUING)


Leave a comment