Ang Pahayagan

Mataas na singil sa elektrisidad sa Olongapo at Zambales bubusisiin ng Kamara

Olongapo City-Ipinanukala ngayon ni Zambales 1st District Representative Jefferson F. Khonghun na imbestigahan ng Mababang Kapulungan ang Olongapo Electricity Distribution Company (OEDC) at ang Zambales Electric Cooperative, Inc. (Zameco) I at Zameco II dahilan aniya sa sobrang mataas na singilin ng mga ito sa electricity bill na pasanin ng mga consumers na kanyang nasasakupan.

Ang naturang kahilingan ay nakasaad sa House Resolution No. 324 at 325 na inihain ni Khonghun sa House Committee on Energy.

Sa Resolution No. 324 ay sinasabi rito na dapat imbestigahan ang OEDC sa ginawa nitong pagtataas ng electric charge sa mga consumer noong buwan ng Hulyo ng Php17.22/kwh at Php17.76 naman sa buwan ng Agosto.

Sa Resolution No.325 naman ay sinasabi na ang Zameco, Inc.- I ay nagtaas ng Php14.3948 / kwh para sa buwan ng Hulyo na naging Php18.3259/kwh nitong Agosto.

Ganito din umano sa Zameco, Inc.- II kung saan tumaas ang mga electricity charges nitong Agosto kung saan ang Generation Charge ay naging 13.7658 Php/kwh mula 11.2582Php/kwh noong Hulyo; Transmission Charges na 2.4863Php/kwh mula 2.1311 Php/kwh at ang Government Revenue and Mandated Charges na 2.7595 Php/kwh na dating 2.3718 Php/kwh noong Hulyo.

Ayon sa mambabatas, dahilan sa ganitong mga pagtaas ng singilin ay naging pasanin para sa mga taga-Olongapo at Zambales na maituturing aniya na isa na sa pinakamataas sa bansa. 

Leave a comment