Subic Bay Freeport- Pansamantalang pinigil ng Bureau of Customs Port of Subic ang mahigit 7,000 metriko tononeladang imported na asukal mula sa bansang Thailand na idinaong sa Subic Bay Freeport kahapon Agosto 18.
Ang naturang kargamento ay lulan ng barkong MV Bangpakaew isang cargo ship mula sa Bangkok, Thailand na dumaong sa NSD Compound noong gabi ng Agosto 17 sa Subic Bay Freeport.
Nasa kustodiya ngayon ng BOC – Subic Port ang 19 na tripulante ng cargo vessel gayundin ang 7,021 metric tons ng Thailand white refined sugar na katumbas sa 140,000 bags na may tax payment value na P45,623,007.51.
Ayon sa inisyal na impormasyon, ipinahinto ang pagdiskarga ng mga kargamento ng naturang barko hangga’t hindi pa na-validate ang mga iprinesentang dokumento ng consignee nito.
Nauna rito ay pinigil din ang ₱220 milyon na halaga ng imported na asukal sa dalawang magkahiwalay na bodega sa Pampanga at Bulacan dahilan sa hinalang mga itinatagong asukal mula din sa bansang Thailand.
Nasa larawan habang ini-inspeksyon nina SBMA Chairman and Administrator Rolen C. Paulino, Customs Port of Subic Deputy Collector for Operations Giovanni Ferdinand Leynes at BoC Bay Services Unit Chief Leo Abella ang bahagi ng mga imported sugar galing Thailand lulan ng barkong MV Bangpakaew na dumaong sa NSD wharf ng Subic Bay Freeport. (Ang Pahayagan photo)


Leave a comment