Ang Pahayagan

Mga programa ng bagong alkalde ng San Marcelino, ibinahagi

By Reia G. Pabelonia

SAN MARCELINO, Zambales (PIA) — Ibinahagi ni Elmer Soria ang kanyang mga programa bilang bagong alkalde ng bayan ng San Marcelino sa Zambales.

Sa isang panayam, sinabi ni Soria na isa sa kanyang tututukan ay ang sektor ng agrikultura.

Aniya, ilan sa mga programa niya para sa mga magsasaka ay ang pagkakaloob ng solar water pump sa mga barangay upang mapabuti ang irrigation system.

Magkakaloob din ng mga wheeled tractor at mechanical harvester ganun din ng mga libreng punla at cash assistance sa mga magsasaka.

Papaunlarin din aniya ang industriya ng mangga at ipagpapatuloy ang paggawa ng mga farm-to-market road upang mabilis na maibaba ang mga agricultural products sa merkado.

Bukod dito, plano ring ipaayos ni Soria ang mga tourist spots gaya ng New Zealand of Zambales at Floating Restaurant na matatagpuan sa barangay Aglao, at Mapanuepe Lake upang maisulong muli ang sektor ng turismo sa naturang bayan.

Tinitignan din ng alkalde na gawing tourist spot ang itinatayong Solar Power Plant sa barangay Sta. Fe na maituturing na isa sa pinakamalaking solar power plant sa Timog Silangang Asya.

Sa usaping pangkalusagan ay ibinahagi ng alkalde na ipinapatupad nito ang Resbakuna sa mga Barangay upang mapataas ang bilang ng mga bakunado.

Papalawigin din niya ang mga programang pang-nutrisyon sa mga barangay, magdadagdag ng pondo pambili ng mga gamot para mas marami aniya ang mabigyan ng serbisyong medikal at bibili ng dagdag na medical equipment para sa Konsulta Program ng pamahalaang lokal.

Sa sektor naman ng edukasyon ay lalo pang papaigtingin ang full scholarship program at educational assistance para sa mga mag-aaral na Marceliñans.

Aayusin din ang mga educational facilities gaya ng mga classroom, school buildings at mga palikuran at mahigpit din na ipatutupad ang mga health protocols upang masiguro ang ligtas na pagbabalik eskwela ng mga bata. (CLJD/RGP-PIA 3)

Leave a comment