Ang Pahayagan

Zambaleño, nakatanggap ng cash grant mula sa BFAR

By Reia G. Pabelonia

IBA, Zambales (PIA) — Nakatanggap ng cash grant mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang isang residente mula sa bayan ng Botolan sa Zambales.

Siya ay si Sherwin Domulot, 22 taong gulang, na nagtapos bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Fisheries sa Central Luzon State University o CLSU.

Ayon kay BFAR Regional Director Wilfredo Mangilit Cruz, ang parangal ay alinsunod sa Fisheries Administrative Order 257-1, Series of 2020 o ang Fisheries Scholarship Program (FSP) Guidelines.

Nakasaad aniya sa FSP guidelines na ang mga iskolar na may Excellent Academic Distinction ay makatatangap ng cash grant na hindi bababa sa 20 libong piso.

Pinayuhan din ni Cruz si Domulot na ipagpatuloy ang pagiging masigasig sa pag-aaral at pag-igihan ang napipinto niyang board exam.

Samantala, isa lamang si Domulot sa anim na mga magtatapos ng Bachelor of Science in Fisheries sa CLSU na mapararangalan bilang Cum Laude. (CLJD/RGP-PIA 3)

📷Nakatanggap ng cash grant mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagkakahalaga ng 20 libong piso si Sherwin Domulot na magtatapos bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Fisheries sa Central Luzon State University. (BFAR Central Luzon)

Leave a comment