Ang Pahayagan

ZAMECO II: Generation Charge, dahilan sa pagtaas ng bayarin sa kuryente ngayong Hulyo

Castillejos, Zambales- Pagtaas ng Generation Charge ang itinuturong dahilan sa pagtaas sa bayarin sa kuryente ng Zambales Electric Cooperative (ZAMECO II) ngayong Hulyo.

Ito ang base sa inilabas na kalatas ng ZAMECO II sa kanilang opisyal na Facebook page noong Hulyo 19 kung saan ipinakikita na mula P16 kada kilowatt ay posibleng tumaas ito ng mahigit sa Php17 ngayon sa babayarang bill ng mga consumer.

Sa kalkulasyon ay ipinakita sa ipinaskil na larawan ang komposisyon ng Power Rate para sa buwan ng Hulyo 2022:
Generation Charge (MPPCL): 11.2582 Php/kWh
Transmission Charge (NGCP): 2.1311 Php/kWh
Distribution, Supply and Metering Charge (ZAMECO II): 1.4640 Php/kWh
Government Revenue and Mandated Charges: 2.3718 Php/kWh

Ipinaliwanag rito na ang Generation Charge ay napupunta umano sa electricity producer na Masinloc Power Plant. Ito ay Pass-through Charge at 65.36% ang bahagi nito sa rate*: June 10.9008 Php/kWh VS July 11.2582 Php/kWh.

Tumaas rin anila ang singil ng National Grid Corporation (NGCP) sa transmission charge na bahagi naman ng 12.37% ng Power Rate: June 2.0462 Php/kWh VS July 2.1311 Php/kWh

Naging dahilan ang paggalaw ng mga ito, para magkaroon naman ng pagtaas sa Government Charges o buwis na umaabot sa 13.77 %.

Sa kabilang banda ay nanatiling hindi nagbago ang singil ng ZAMECO II revenue na binuo ng Distribution Charge, Supply Charge at Metering Charge (DSM) mula February 2011 na may kabuoang 1.464 Php/kWh.kahit nagbago umano ang mga bahagi ng Power Rates.

Ang pagtaas umano ng Generation Charge ay sanhi ng mataas na demand ng Coal sa pandaigdigang pamilihan, na apektado din ng palitan ng piso kontra dolyar at buwis sa pag-aangkat nito.

“Ang ZAMECO II ay distribution utility lamang anila at binibili nito ang kuryente sa Masinloc Power Plant”, saad sa kalatas.

Leave a comment