Ang Pahayagan

24 na mga tripulante ng cargo ship na sumadsad sa Masinloc nailigtas ng PCG at PNP

MASINLOC, Zambales— Nailigtas ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard at local na pulisya ng Masinloc ang 24 katao na pawang tripulante ng isang barko na sumadsad malapit sa dalampasigan ng barangay Bani ng baying ito.

Sa pinakahuling ulat ng PCG, huling naisalba mula sa LCT Aviva 80 ang dalawang tripulante na naiwanan sa nasabing barko.

Ayon sa ulat ng PCG, ang naturang bapor na may 24 na tripulante ang nakasagupa ng malalaking alon noong Hulyo 3 na naging dahilan upang ito ay sumadsad.

Nagtulong umano ang pinagsanib na search and rescue team ng PCG at PNP na gumamit ng lubib na itinali sa isang life raft upang makuha ang mga tripulante mula sa bapor.

Ang mga naligtas ay agad na dinala sa Rural Health Unit ng Masinloc upang masuri ang kalusugan bago ipinasa sa Masinloc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na nangasiwa sa kanila.

📷 Larawan mula sa PCG habang isinasagawa ang rescue operation sa mga tripulante ng LCT Aviva 80.

Leave a comment